Kauna-unahang POWAS sa Brgy Villa Floresta, pinasinayaan
Published: March 18, 2022 10:34 AM
Magiging maginahwa na sa mga residente ng kabundukan ng Brgy. Villa Floresta ang pagkakaroon ng malinis na tubig matapos marating ng proyektong Potable Water System (POWAS) ang kanilang lugar.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang pagpapasinaya ng POWAS sa nasabing barangay nitong Huwebes, Marso 17, kasabay ng panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng sistema ng tubig.
Ito na ang pang-animnapu’t limang (65) POWAS na napasinayaan sa lungsod matapos simulan ang proyekto noong 2017 bilang isa sa mga prayoridad na programa ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Kokoy.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.
Layunin ng POWAS hindi lamang ang makapagbigay ng malinis na tubig sa mga komunidad kundi makapagtaguyod din ng “people empowerment” sapagkat mga member-consumer ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.
Sa ganitong paraan, natuturuan ang komunidad na magpatakbo ng isang organisasyon at makapag-isip ng iba pang proyektong pangkabuhayan para sa mga miyembro nito.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubiko (katumbas ng isang libong litro) ng tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.
Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.