Konstruksyon ng mas modernong Fire Station, sisimulan na
Published: November 26, 2019 12:00 AM
Isinagawa kahapon (Nov. 25) ang Groundbreaking Ceremony para sa itatayong bago at mas malaking istasyon ng Bureau of Fire Protection o BFP San Jose na matatagpuan sa kahabaan ng Maharlika Highway, Abar 1st.
Matatandang ibinigay bilang donasyon ng Lokal na Pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Kokoy Salvador ang loteng pagtatayuan ng bagong Fire Station na dating ginamit ng City Veterinary Office bilang Artificial Insemination Center noon.
Ayon kay Acting City Fire Marshall Inspector Agusto V. Ariem, naglaan ang national office ng BFP ng pondong 19.4 milyon para sa first phase ng naturang proyekto.
Dagdag pa ni Ariem, nagsimula na ang pagle-layout ng gusali at magtutuloy-tuloy na ang konstruksyon nito na tinatantyang matatapos sa loob ng 180 hanggang 240 calendar days.
Inaasahan din na madadagdagan ng dalawa pang fire trucks ang San Jose BFP matapos maitayo at handa ng gamitin ang bagong fire station.
Panauhin sa okasyon ang San Josenio na ngayon ay BFP Chief sa buong Pilipinas na si Fire Director Leonard R. Baņago.