K-Outreach dumayo sa Brgy. Kaliwanagan
Published: October 08, 2019 12:00 AM
Mas nagliwanag pa ang Brgy. Kaliwanagan matapos itong dayuhin ng K-Outreach Program nitong Setyembre 26 upang maghandog ng sari-saring libreng serbisyo sa mga residente roon.
Para makinabang ang lahat sa mga benepisyo ng programa, patuloy nitong iniisa-isang dayuhin ang mga barangay. Bukod dito, ito rin ay naglalayong makadaupang palad ni Mayor Kokoy at iba pang mga opisyales ng lungsod ang mga mamamayan.
Upang masigurong malusog ang mga taga-Kaliwanagan, nagkaroon ng medical at dental check-up, nagpamigay ng mga gamot at bitamina, nagtimbang ng mga bata, at nagpayo para sa family planning.
Namigay rin ng mga seedlings, bigas, at mga salamin sa mata. Bukod sa mga nabanggit, nagbakuna rin ng mga alagang aso, may story-telling para sa mga bata, may gupitan at masahe, pag-asiste sa mga senior citizens, pagpapayong legal, paggabay sa pagrerehistro, at marami pang iba.
Gaya pa rin ng malimit mangyari, dumating sa lugar sina Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang, at mga opisyales mula sa Sangguniang Panglungsod. Nagpakita ang bawat isa ng marubdob na pagsuporta at nagbigay ng kani-kaniyang mensahe na lalo pang nagpasigla sa okasyon.
Mainit naman ang pangtanggap ni Kapitan Roderick C. Brillo kasama ang kanyang mga opisyales sa pagdating doon ng buong caravan ng K-Outreach.
Nagsalo-salo sa tradisyonal na boodle fight ang lahat ng dumalo at ang maganang tanghalian ay siya na ring naging hudyat sa pagtatapos ng programa sa araw na iyon.