News »


K-Outreach, nagbigay saya sa Brgy. Parang Mangga

Published: March 22, 2019 06:08 PM



Naghatid ng saya nitong umaga (Marso 22) ang K-Outreach Program sa Brgy. Parang Mangga sa pamamagitan ng paghahandog ng mga samu’t saring serbisyo at mga bagay na kapaki-pakinabang mula sa iba’t ibang sangay ng Lokal na Pamahalaan.

Nabigyan ang mga mamamayan ng libreng serbisyong medikal at dental, mga gamot, bitamina, bakuna, bigas, groceries, salamin sa mata at seedlings. Mayroon din para sa mga alagang hayop, tulong para sa mga senior citizen, pagrerehistro, massage therapy, at marami pang iba.

Aktibo namang nakiisa sa programa ang LGBT San Jose City Association at naghandog ng libreng gupit sa mga kababaihan. Tuwang-tuwa ang mga maybahay sa ginawang serbisyong ito ng LGBT group.

Dumalo sa pagtitipon sina Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod – Roy Andres, Trixie Salvador, Wilfredo Munsayac, Niño Laureta, at Atty. Ronald Lee Hortizuela.

Magiliw naman ang ipinamalas na pagsuporta ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Virginia E. Ambanta.

Masaya namang pinagsaluhan ng lahat ang masarap na boodle fight matapos ang programa.