News »


Lakas at bilis, tampok sa �Kariton Mo, Itulak Mo�

Published: August 14, 2018 06:50 PM



Nagkarera ang matitipunong rice miller workers, harvester operators, market porters at farmers sa lungsod na lumahok sa larong “Kariton Mo, Itulak Mo” na isinagawa nitong Agosto 10, bilang bahagi pa rin ng selebrasyon ng 49th San Jose City Day.

Tampok sa larong ito ang tatlumpong (30) grupo na may tig-limang miyembro na nagkarera sa pamamagitan ng pagtakbo, pagsalansan ng kaban-kabang palay sa kani-kanilang kariton at nag-unahang magkamada ng mga palay.

Wagi ang tikas ng grupong Rep Royal Taipan Corp. na tinanghal na kampeon ngayong taon, at nakatanggap ng tropeo at sampung libong piso.

Sinundan naman ito ng King Cedric Rice Mill na nakapag-uwi ng pitong libong piso at tropeo.

Samantala, naiuwi ng Tom Brillo Team ang third place bitbit ang tropeo at limang libong piso.

Di rin nagpahuli ang Sanchez Rice Mill na nakatanggap ng tatlong libong piso, habang dalawang libong piso naman ang napagwagian ng Sibut Farmers na humabol bilang fifth placer.

Matagumpay na naisagawa ang kompetisyon sa pangunguna ng Sports Development Office.

Umuwing may ngiti ang bawat kalahok dahil nakatanggap din ng consolation prize ang mga di pinalad na manalo.