Lantern Competition 2019
Published: November 27, 2019 12:00 AM
Lalong nagningning at nadama ang Kapaskuhan sa Lungsod San Jose kagabi (Nobyembre 26) dahil sa makukulay na parol na ipinarada ng 13 paaralan sa Lantern Competition ngayong taon.
Nasaksihan ang pagkinang ng naglalakihang parol na ipinarada mula sa tahanan ng Punong Lungsod Kokoy Salvador patungong Public Market kung saan idinaos ang programa.
Lubhang kahanga-hanga ang husay at pagkamalikhain ng mga kalahok sa kanilang mga ginawang parol mula sa iba’t ibang recycled at indigenous materials, kaya naman hindi ito pinalampas ng mga San Josenio na excited na nag-abang sa lansangan at dumagsa sa palengke.
Ipinahayag naman ni Mayor Kokoy ang kaniyang mainit na pagbati sa lahat ng dumalo at nakibahagi sa naturang aktibidad, na aniya ay mas paganda nang paganda.
Kaugnay nito, napili ng mga hurado mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) of the Philippines ang Tayabo High School bilang kampeon sa 2019 Lantern Competition.
Gawa sa dayami, ipa, buto ng munggo, bunga ng mahogany, papel, karton, plastic wrappers, at straw ang kanilang parol na may disenyong palay na sumisimbolo umano sa mga mamamayan ng Tayabo na may pagkakaisa at pagtutulungan upang makamit ang tagumpay.
Nanalo rin ang Caanawan National High School na nakakuha sa ikalawang puwesto, at ikatlo ang San Jose City National High School.
Nagwagi naman ang St. John’s Academy sa Chanting Competition na lalong nagpasigla at nagpasaya sa programa.
Samantala, lubos na nagpasalamat si City Tourism Officer Darmo Escuadro sa patuloy na pagsuporta at aktibong pakikilahok ng mga paaralan, gayundin sa pagtutulungan ng bawat isa sa taunang Lantern Competition pati na sa lahat ng aktibidad para sa Kapaskuhan dito sa lungsod.
Mamayang gabi (Nobyembre 27) ay mapapanood naman ang huling round ng elimination sa Chorale Competition – Elementary level at matutunghayan sa Biyernes (Nobyembre 29) ang tagisan para sa High School level.
#ChristmasCapitalOfNuevaEcija