News »


“Kahit may pandemya, pwedeng maging masaya.”

Published: November 24, 2020 12:00 AM   |   Updated: December 29, 2020 12:16 PM



Nitong mga nagdaang taon, kinilala ang Lungsod San Jose bilang “Christmas Capital of Nueva Ecija” dahil sa pailaw at masasayang aktibidad sa panahon ng Kapaskuhan.

Ngayong panahon ng pandemya, isang simpleng Pasko ang makikita sa lungsod. Walang lighting ceremony, walang dinadayong bazaar, walang mga kompetisyon, walang parada ng mga parol. Subalit narito pa rin ang pailaw: isang paalala sa lahat na bagama’t may pandemya, hindi pa rin nawawala ang Pasko -- ang panahon ng pagbibigayan, pagmamahalan, at pag-alala sa kapanganakan ni Kristo Hesus.

Ayon kay Punong Lungsod Kokoy Salvador, bagama’t nagamit ang pondo ng Lokal na Pamahalaan sa pagtugon sa pandemya at sa pagpapatuloy ng mga proyekto para sa mamamayan, bukod sa mga dating gamit at dekorasyon na ni-recycle ay personal niyang ginastusan ang pailaw para sa Pasko ngayong taon. Ginawa niya umano ito para makatulong na maramdaman ng bawat isa ang espiritu ng Pasko at maibsan ang kalungkutan na nadarama dahil sa COVID-19. Aniya, kahit ano pa ang pinagdaraanan, dapat maging positibo ang pananaw at madama ang diwa ng pasko, pagmamahalan at pagbibigayan sa gitna ng pandemya.

Alinsunod sa health protocols, narito ang mga alituntunin na ipatutupad sa mga gustong masilayan ang pailaw sa City Social Circle (6 PM hanggang 10 PM araw-araw):
1.    Pagsusuot ng face mask.
2.    Physical distancing (isang metrong layo sa bawat isa).
3.    Tanging ang may edad 15 hanggang 65 ang maaaring papasukin sa City Social Circle.
4.    Lilimitahan lamang sa 20 minuto ang pamamasyal sa loob ng City Social Circle.
5.    Lilimitahan lamang sa 50 katao ang pwedeng pumasok sa City Social Circle kada 20 minuto