News »


LGU Sports Fest, nagsimula na

Published: September 18, 2017 04:09 PM



Hindi alintana ang maulan o maaraw na panahon, opisyal nang sinimulan noong Huwebes, Setyembre 13, ang taunang LGU Sports Fest.

Nag-umpisa ang sports fest sa pamamagitan ng inter-color parade na binubuo ng blue, green, red, white at yellow team mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Isinagawa ang opening ceremony sa Pag-asa Sports Complex, kung saan nagbigay ng kanyang pambungad na pagbati si Sports Development Office OIC Randy Macadangdang.

Ipinahayag naman ni Mayor Kokoy Salvador sa kanyang mensahe na idinadaos ang sports fest bilang “bonding moment” ng mga empleyado, at ipinaalala niyang naroon sila para maglaro, magkaisa at magsaya, sang-ayon sa layunin ng sports fest na maitaguyod ang camaraderie o pagkakaibigan at sportsmanship sa mga kawani ng LGU.

Idinaos din sa araw ng pagbubukas ng sports fest ang pinanabikang Cheerdance Competition at dito ay nagpasiklaban ang limang koponan ng mga routine na may iba’t ibang tema.

Sa huli, tagumpay ang Arabian-inspired routine ng Blue Team na siyang itinanghal na kampeon, habang ang Yellow Team naman na nagpakita ng Madonna-inspired routine ang itinanghal na 1st runner-up, at 2nd runner-up naman ang Red Team.

Nakuha naman ng White Team ang ika-apat na puwesto at pang-lima ang Green Team.
Matapos ang Cheerdance Competition ay ipinakilala ang mga kalahok ng Mr & Ms LGU Sports Fest 2017. Kokoronahan ang magwawagi sa gaganaping mini-pageant sa Closing Ceremony.

Sa huling bahagi ng programa ay nagpakitang-gilas din ang mga department heads at division chiefs ng lokal na pamahalaan sa kanilang exhibition game sa basketball at volleyball. Maging ang Punong Lungsod Kokoy Salvador ay masiglang nakilahok sa basketball kung saan siya ay nagtala ng pitong puntos para sa Yellow Team.