News »


Libreng Prosthetic Legs, Handog sa mga PWD

Published: February 02, 2018 05:26 PM



Patuloy ang pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga kapatid nating Persons With Disability (PWD) para matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

Sa katunayan, napagkalooban ng libreng prosthetic legs o artipisyal na paa ang tatlong PWD kahapon (Pebrero 1).

Sa araw ding iyon ay may 12 pang nasukatan at inaasahang mabigyan din ng prosthetic legs sa buwan ng Mayo.

Hindi lang taga-San Jose ang natulungan ng programang ito dahil may mga bisita ring taga-Talavera at Muņoz na nagpasukat.
Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay marami nang PWD ang nabigyan ng prosthetic legs at iba pang assistive devices gaya ng wheelchair, braces, at iba pa.

Sa mensahe ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, asahan ng nasabing sektor ang patuloy na pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga programang nakalaan para sa kanila.

Nagpasalamat din si Mayor sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), PBF Prosthesis Brace Center at PWD Center na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang nasabing programa.

Dumalo rin sa naturang programa sina Konsehal Niņo Laureta at Konsehal Roy Andres para magpakita ng suporta at magbigay ng mensahe.