Libreng X-ray sa Lungsod
Published: April 29, 2021 01:00 PM
Naghandog ng libreng X-ray para sa mga San Josenio ang Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Lokal na Pamahalaan kahapon (April 28) sa Pag-asa Sports Complex, bilang bahagi ng maigting na kampanya kontra COVID-19.
Ginamit dito ang portable X-ray machine na kayang tukuyin ang labing-anim na uri ng sakit sa baga.
Sa pamamagitan ng naturang aparatong medikal, higit na mapadadali ang pagtukoy sa mga namumuong sakit sa baga dahil sa loob lamang ng ilang minuto ay makikita na ang resulta.
Layunin din ng proyektong ito ng Kapitolyo na makatulong na mapabilis ang pagtukoy ng mga positibo sa COVID-19, dahil pneumonia at ilan pang sakit sa baga ang pangunahing komplikasyon na dulot ng COVID-19.
Kaugnay nito, 133 katao ang nakatanggap ng nasabing serbisyong medikal, kabilang ang ilang empleado ng munisipyo.
Naisakatuparan ang proyekto sa pangunguna nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali, kasama si Provincial Health Officer Dr. Josefina Garcia at ilang kawani mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Pangkalusugan, gayundin sa Ospital ng Lungsod ng San Jose (OLSJ).
Buo naman ang suporta ni Mayor Kokoy Salvador na dumalo sa naturang programang pangkalusugan ng Pamahalaang Panlalawigan sa lungsod.