News »


Linggo ng Kabataan 2023

Published: November 13, 2023 03:00 PM



Simula na ngayong araw (Nobyembre 13) ang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2023 sa lungsod kung saan pormal na ipinakilala ang mga Little City Official at Little Head of Offices, kasabay ng programa para sa pagtataas ng watawat sa City Social Circle nitong umaga.

Magsisilbing Little City Mayor si John Michael Orihara ng CORE Gateway College, Inc. at Little City Vice Mayor naman si Brenn Aisley Cabanayan ng San Jose City National High School.

Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang panunumpa sa tungkulin ng 61 mag-aaral mula sa iba't ibang pampubliko at pribadong paaralan sa sekondarya na maglilingkod ngayong Linggo ng Kabataan.

Sa ipinahayag namang mensahe ng Little City Mayor, hinimok ni Orihara ang mga kapwa niya kabataan na mamuno nang buong puso at sigla.

Aniya, ang pagiging leader ay para ding isang 'super hero' na dapat may dedikasyon at magsilbing inspirasyon sa iba.

Kalakip ng kanyang pasasalamat ang pangako na pagbubutihin nang buong husay at may katapatan ang kanilang panunungkulan.

Samantala, ipinagpatuloy ang programa sa Pag-asa Sports Complex kung saan ginanap ang Laro ng Lahi.

Nagtagisan dito ang mga kabataan sa larong kadang-kadang, sack race, tug of war, at dodgeball.