Local COVID-19 Task Force Meeting
Published: March 02, 2021 12:00 AM
Muling nagpulong ang mga miyembro ng Local COVID-19 Task Force nitong hapon, March 2 sa City Hall upang pag-usapan at pag-planuhan ang gagawing pagbabakuna laban COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay City Health Officer Dr. Marissa Bunao, unang babakunahan ang mga frontline health care workers alinsunod sa guidelines ng National IATF at Department of Health.
Nagbigay din ng mga ideya si OLSJ OIC Dr. Imelda T. Cornel sa gagawing rollout ng pagbabakuna sa target na 70% hanggang 75% ng 60,000 katao na dapat mabakunahan sa lungsod.
Hindi pa rin malinaw kung ano ang unang bakunang darating sa lungsod o probinsiya sapagka't limitado pa lamang ang dumarating na supply sa Department of Health. Hindi rin maaaring bumili ng sariling bakuna ang mga LGU nang hindi dumadaan sa "tripartite agreement" kasama ang National IATF.
Ang detalyadong plano ng pagbabakuna ay magiging depende sa kung anong uri o brand ng bakuna ang darating sa lungsod dahil may kanya-kanyang target age group at iba't ibang pangangailangan ng "cold chain management" ang bawat bakuna.
Binigyang diin naman ni Punong Lungsod Kokoy Salvador na hangga't maaari, AstraZeneca ang bakunang bibilhin ng Lokal na Pamahalaan mula sa pondong ilalaan sa programa. Aniya, nakahanda ang LGU na maglaan ng 50 million pesos para mabakunahan ang mga San Josenio.
Iminungkahi rin niya na kung kaya ng mga alituntunin para sa logistics at "cold chain management" ay ilapit sa mga barangay ang vaccination centers. Mahalaga rin aniya ang pagtutulungan ng mga pam-publiko at pribadong ospital sa lungsod sa gagawing pagbabakuna.
Dagdag pa ni Mayor Kokoy, handa siyang magpabakuna kung anuman ang unang brand ng bakunang darating.