News »


'Love is in the Air'

Published: February 15, 2023 01:24 PM



“Love is in the air.”

Tunay ngang punong-puno ng pag-ibig at kilig ang Araw ng mga Puso matapos idaos ang Kasalang Bayan sa lungsod kahapon.

Nagsilbing solemnizing officer dito si Mayor Kokoy Salvador at nag-iwan ng mahahalagang paalala sa mga nag-isang dibdib.

Aniya, “Ang pag-aasawa ay may kaakibat na responsibilidad lalo na kung magkakaanak o may anak na. Dapat turuan natin ang ating mga anak na maging responsable at mabuting tao. Huwag natin silang gugutumin at pagsumikapang maibigay ang kanilang pangangailangan”.

Ginanap ang pastel and floral-themed wedding ceremony sa City Hall atrium at may hinanda ring libreng reception para sa 70 pares ng bagong kasal at kanilang bisita sa City Social Circle.

Naghandog ng panimulang pagbati si Vice Mayor Ali Salvador sa reception program, habang nagpahayag naman ng mensahe si Engr. Elizabeth M. Rayo, Chief Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Cabanatuan.

Nakisaya rin sa okasyon ang ilang konsehal, gayundin ang maybahay ng Punong Lungsod na laging nakasuporta sa nasabing aktibidad.

Dagdag pa rito, nagkaroon ng mga tradisyunal na seremonya sa reception gaya ng couple’s first dance, cake slicing, at wine toasting.

Binigyan pa ng special awards sina Michael Joseph at Wendy May Bautista bilang Early Birds, habang Oldest Couple naman sina Rolando at Maria Luna Raquindan, at Sweetest Couple sina Jo Anne at Kelvin Jay dela Cruz.

Nakatanggap din ng souvenir ang lahat ng bagong kasal, maliban sa kanilang kasuotan na handog din ng lokal na pamahalaan.

Ito na ang pang-23 Kasalang Bayan na pinangunahan ng Local Civil Registry (LCR) Office, katuwang ang Office of the City Mayor at iba pang tanggapan.