News »


Lungsod ng San Jose, muling humakot ng awards

Published: January 16, 2019 05:19 PM



Hakot parangal ang Lungsod San Jose sa idinaos na 7th Central Luzon Excellence Awards for Health (CLExAH) 2018 na iginawad ng Department of Health (DOH) nitong Martes, January 15, sa Royce Hotel, Clark Freeport, Pampanga.

Tinanggap ni Mayor Kokoy Salvador kasama sina Dra. Marissa Bunao-Henke at ilang kawani ng City Health Office (CHO) ang Red Orchid Award 2018 bilang pagkilala sa pagiging 100% Tobacco-Free ng San Jose City base sa alituntunin ng Department of Health.

Naiuwi rin ng lungsod ang Purple Ribbon Award bilang pagkilala sa mga Lokal na Pamahalaan na nagsasagawa at nagsusulong ng mga programang may kaugnayan sa Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law partikular na sa Family Planning Programs nang taong 2017.

Dito nakita ang best practices at accomplishments ng lungsod kabilang na ang regular na pagsasagawa ng Family Planning seminars, pre-marriage counselling, pamimigay ng contraceptives, at pagtuturo sa tamang paggamit nito na siyang nagbunsod sa pagkapanalo ng lungsod.

Dagdag pa rito, binigyang pansin din ng DOH ang pagtugon sa mga programang sumusuporta sa Mother-Baby Friendly Health Initiative- Lactation Station in the Workplace, dahil sa pagtatalaga ng sapat na lactation station sa bawat ahensya sa lungsod.

Layon ng programa na bigyang pagkilala ang mga pagsisikap ng lahat ng health workers mula sa iba’t ibang rehiyon sa buong Central Luzon na patuloy na pagsasagawa ng kalidad na serbisyong medikal sa kanilang mga nasasakupan.
(Rozz Rubio)