News »


Lungsod San Jose, kaisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

Published: June 13, 2018 05:29 PM



Nagtipon-tipon nitong Hunyo 12 ang mga opisyal at kawani ng Lokal na Pamahalaan, DepEd, Philippine Army, PNP, BFP, NGO’s at mga miyembro ng organisasyong Free Masonry at Amaranth upang sama-samang ipagdiwang ang ika-120 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas na may temang “Malasakit sa Kalayaan para sa mas Progresibong Kinabukasan.”

Inumpisahan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang programa at flag raising ceremony para sa pagpupugay at parangal sa watawat, at pag-aalay ng 21-gun salute ng 84th Infantry Battalion 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa talumpati ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, sinabi niyang dapat gamitin natin ang kalayaan na may pananagutan at responsibilidad bilang mga lingkod bayan dahil ito’y ipinaglaban ng ating mga ninuno at mga bayani. Dagdag pa ni Mayor, sana magpatuloy pang madagdagan ang listahan ng mga bayani para ipagtaggol ang ating bayan at ipakitang panahon na para sa pagtutulungan at pagpapaunlad ng ating bansa.

Samantala, kinilala rin ng lungsod sa Araw ng Kalayaan si Rod Marmol na isang tubong San Jose at ngayon ay gumagawa ng pangalan sa larangan ng pagsusulat at paggawa ng pelikula.

Si Marmol ang nagsulat at nagdirek ng pelikulang “Mata Tapang” na kalalabas lang ngayong taon at kabilang sa CinieFilipino Film Festival. Base sa karanasan ng kanyang ama at tungkol sa buhay ng mga sundalo, tampok sa pelikula ang mga artistang sina Ahron Villaflor, Edgar Allan Guzman, Ritz Azul at iba pa.

Ilan naman sa mga librong kaniyang isinulat na inilathala ng Summit Books ang “Lahat Tayo may Period (at iba pang Punctuation Marks)” at “WaLang Love: Love Stories na Walang Love Kaya Stories na Lang” na naging patok sa mga mambabasa.

Siya rin ang gumawa ng Facebook page na Utot Catalog na may halos 600,000 followers at isa sa mga pioneer na hugot community pages sa Pilipinas na itinatampok ang poetry at prose ng lenggwaheng Filipino.