News »


Lungsod San Jose, lalong nagliwanag sa Lantern Parade

Published: November 26, 2018 04:52 PM



Bilang Christmas Capital ng Nueva Ecija, lalo pang pinaningning ang kalunsuran sa ginanap na Lantern Parade and Competition nitong Sabado, Nobyembre 24.

Ipinarada mula Salvador-Gripal Ricemill sa Calaocan papuntang Public Market ang mga makukulay at naglalakihang parol na gawa ng 12 paaralan kabilang ang Mount Carmel Montessori Center, Nieves Center for Education, Tondod High School, St. John Academy, Kita-Kita High School, Core Gateway College, Caanawan High School, San Jose City National High School, Porais High School, Sto. Niño 3rd National High School, Gracious Shepherd Christian Academy, at Tayabo High School.

Kamangha-mangha ang ipinakitang husay at pagkamalikhain ng mga kalahok sa kanilang mga ginawang parol mula sa recycled materials, kaya naman hangang-hanga ang mga San Josenian na nag-abang sa lansangan at dumagsa sa palengke para saksihan ang mga maniningning na parol.

Bukod sa Lantern Competition, nagpamalas din ng galing ang mga paaralan sa Chant Competition na mas nagpasaya sa programa.

Parehong nakamit ng San Jose City National High School ang panalo para sa pinakamagandang parol at Best in Chanting.

Gawa sa butong pakwan, lumang walis tambo, basyo ng ballpen, uhay at butil ng palay ang kanilang winning entry na pinagtulungang gawin ng ilang guro, mag-aaral, PTA, at kawani ng paaralan ng halos tatlong linggo.

Nakuha naman ng Tayabo High School ang ikalawang puwesto at ikatlo ang Porais High School sa Lantern Competition.

Sa Best in Chanting, pumangalawa ang Kita-Kita High School at pangatlo ang Tondod High School.

Sa mensaheng ipinahayag ni Mayor Kokoy Salvador, hinikayat niyang magsama-sama ang lahat at magkaisa para sa tagumpay ng lungsod lalo pa’t hindi na lamang tayo nakikilala sa probinsiya ng Nueva Ecija kundi sa buong Pilipinas na.

Kung dati’y naitampok sa Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN kamakailan ang lungsod, aabangan naman sa programang Rated K ang ipapalabas na Liwanag ng Pasko sa San Jose.