Lungsod San Jose, muling nagliwanag para sa Kapaskuhan
Published: November 08, 2019 12:00 AM
Nagdulot ng makulay na liwanag sa lungsod ang pinaka-aabangang Pailaw nang pormal na buksan ng Punong Lungsod Kokoy Salvador ang mga Pamaskong ilaw nitong gabi, November 8, matapos ang isang maikling programa.
Naging atraksyon na tuwing panahon ng ka-Paskuhan ang Liwanag ng Pasko sa San Jose mula pa noong 2016.
Dahil sa taunang pailaw na ito, kinilala ang Lungsod bilang Christmas Capital of Nueva Ecija at ginawaran din ng parangal ng Department of Tourism – Association of Tourism Officers of the Philippines bilang isa sa mga natatanging City Festival sa bansa.
Sa programa bago buksan ang mga ilaw, tampok ang San Jose City National High School Rondalla na siyang nanguna sa Panalangin at Pambansang Awit; ang St. John’s Academy Chorale Group na itinanghal na kampeon noong 2018 sa Chorale Competition; at ang singing trio na sina Marhelzon Gelacio, Zarah Mae Gelacio, at Frankie Fernandez na umawit ng kanilang orihinal na komposisyon tungkol sa Pasko sa San Jose.
Nagkaroon din ng pagbabasbas ng Belen bago sindihan ang ilaw kung saan pinangunahan ni Father Getty ang panalangin.
Sa kanyang maikiling mensahe, ipinagmalaki ni Mayor Kokoy ang pagtutulong-tulong at pagsisikap ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan sa paggawa ng mga iba’t ibang dekorasyon at disenyo ng ilaw, kaya’t aniya, ito ay maipagmamalaking gawang-San Josenio.
Kasabay rin ng pagbubukas ng Pailaw ang unang araw ng Christmas Bazaar na dinarayo tuwing gabi hindi lang ng mga San Josenio kundi ng mga taga-karatig bayan.
Abangan ang page na ito para sa mas maraming larawan na magtatampok sa mga ilaw at palamuti sa iba't ibang lugar sa lungsod.