News »


Madrasah Education Program ng DepEd San Jose, Inilunsad

Published: July 03, 2017 02:23 PM



Isa na namang patunay na “Nobody Left Behind” sa larangan ng edukasyon ang nasaksihan noong Biyernes (June 30) nang ilunsad ng DepEd Division of San Jose City ang kanilang bagong programang MEP o Madrasah Education Program.
Ang naturang education program ay naglalayong mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na Muslim (“Muslim learners”) at matiyak na sila ay magkaroon ng access sa isang Islamic-friendly educational curriculum.
Sa pambungad na pananalita ni Schools Division Superintendent Teresa D. Mababa, nagbigay pugay siya sa mga lider at miyembro ng Muslim Community, gayundin sa lokal na pamahalaan, sa pakikiisa sa DepEd para maitaguyod ang nasabing programa.
Ipinahayag naman ni Aladin Sampiano, Pangulo ng Islamic Community, ang kanilang pasasalamat dahil nagkaroon na rin ng Madrasah sa lungsod.
Tiniyak naman ng kinatawan ni Mayor Kokoy Salvador na si Executive Assistant IV Marianito Torres na ano man ang maitutulong ng pamahalaang lokal ay tutugunan ng punong lungsod.
Sa ilalim ng MEP ay matuturuan ang Muslim learners ng Arabic Language and Islamic Values Education o ALIVE.
Nagsilbi namang tagapagsalita sa orientation tungkol sa MEP si Jefferson M. Cordon, isang Ustadz mula sa DepEd-Division of Science City of Muñoz. Nag-donate din ng mga librong gagamitin para sa MEP ang Division Office ng Muñoz.
Kaugnay nito, may natukoy ang Division Office na 61 Muslim learners sa lungsod na nag-aaral sa iba’t ibang paaralan, partikular sa San Jose City National High School, Calaocan Elementary School, Abar 1st Elementary School, San Jose East at West Central School.
Ayon kay Rev. Ronald G. Morla, MEP Focal Person ng Division Office, papasok tuwing Sabado (simula July 1) sa San Jose West Central School ang nasabing 61 mag-aaral. Sila ay hinati sa dalawang klase kung saan magsisilbing mga guro o “Asatidz” sina Imam Samsodin A. Magdara, at Hasanah Ulama mula sa Muslim Community.