News »


Makukulay at malikhaing saranggola, tampok sa Kite Flying Contest

Published: March 11, 2019 04:20 PM



Naging makulay ang kalangitan nang paliparin ang mga naggagandahan at naglalakihang saranggola sa burol sa Bliss, Brgy. Malasin noong Pebrero 27.

Dala ang kani-kanilang malikhaing saranggola, nakibahagi sa naturang kompetisyon ang 20 kalahok na nagmula sa iba’t ibang Pag-Asa Youth Association (PYA), Bahay Pag-asa, ilang barangay at paaralan sa lungsod.

Ayon kay Social Welfare Officer I Edison Ubaldo ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office, isinagawa ang Kite Flying Contest bilang suporta sa mga out-of-school youth at himukin ang mga ito na patuloy mangarap katulad ng awiting ‘Saranggola ni Pepe’.

Dagdag pa ni Ubaldo, maliban sa magkaroon ng pagkakataong magkasama-sama ang mga naturang kabataan, layon din ng kompetisyon na ibalik ang kultura o laro noong araw.

Kaugnay nito, nangibabaw ang ganda ng saranggola ng Brgy. Parang Mangga na nakakuha ng unang puwesto at ginawaran din ng Uniqueness Award.

Kapansin-pansin din ang entry ng Brgy. Tabulac na nakasungkit sa ikalawang puwesto at Artistic Award.

Hindi rin nagpahuli ang dinisenyong saranggola ng Bahay Pag-asa na nagkamit ng ikatlong puwesto, habang ang saranggola ng Brgy. Manicla ang nakapag-uwi ng Colorful Award.

Naisagawa ang proyektong ito sa pangunguna ng CSWD Office, sa pakikipagtulungan ng City Tourism Office.