News »


Mas Mahigpit na Pamamahala at Pagpapatupad ng mga Batas at Ordinansa

Published: September 25, 2020 12:00 AM



Nagpulong ngayong araw (Sept 25) ang mga kapitan ng Lungsod San Jose kasama ang Punong Lungsod Kokoy Salvador, PNP San Jose Chief Heryl Bruno,  LTC Honorato S. Pascual Jr. ng 84th IB 71D, at Local IATF upang talakayin ang mas mahigpit na pamamahala at pagpapatupad ng mga batas at ordinansa hinggil sa COVID-19 response.

Dito, binigyang diin ang tungkulin ng mga kapitan sa mas maigting na pagpapatupad ng mga health protocol sa barangay gaya ng pagsusuot ng face mask, social distancing, at lalo na ang pagmo-monitor sa mga close contacts na naka-quarantine.

Tinalakay din sa pulong ang pagbibigay ng ayuda at suporta sa mga pamilya na sumasailalim sa mahigpit na home quarantine upang maiwasan ang paglabas para bumili ng pagkain o iba pang essentials.

Nanawagan din sa mga kapitan na mahigpit na ipatupad sa kani-kanilang barangay ang panghuhuli at pagpapataw ng multa sa sinumang lalabag sa COVID-19 protocols.

Kaugnay ng patuloy na pag-angat ng bilang ng mga positibong kaso ng nasabing sakit sa lungsod, na sa kasalukuyan ay umabot na sa tatlumpu’t anim, hiling ni Mayor Kokoy na mas paigtingin pa ang contact tracing at ang kooperasyon ng bawat isa.

Ayon sa binitawang kataga ni Mayor Kokoy, “Kaya natin ito basta tulong-tulong tayo.”