News »


Mga bagong sasakyan para sa K-Outreach, handa nang umarangkada

Published: November 07, 2017 04:37 PM



Para sa mas mabilis at maayos na serbisyo para sa mga San Josenio, bumili ng limang bagong dump truck at dalawang elf ang Lokal na Pamahalaan. Madaragdagan pa ito ng lima sa Enero sa susunod na taon.
Gagamitin ang mga bagong sasakyan sa K-Outreach Program para sa pagbibigay ng serbisyo tulad ng paghahakot ng buhangin para sa mga komunidad sa lungsod na nangangailangan nito, at iba pang aktibidad at programa.

Kung matatandaan, noong Setyembre ay bumili rin ang Lokal na Pamahalaan ng tatlong ambulansya at rescue vehicle. Noong Agosto naman ay elf para sa Engineering Office, bagong 4x4 rescue vehicle naman noong Mayo at marami pang iba.

Ito’y ilan lamang sa maraming proyekto ng butihing Punong Lungsod Kokoy Salvador upang mapaganda ang paghahatid ng serbisyo ng Pamahalaang Lokal sa mga San Josenians, para sa patuloy na pagtulong at pagpapabuti ng kanilang pamumuhay.

Samantala, huling bumisita ang K-Outreach Program sa Brgy. Bagong Sikat kung saan dinumog ng mga residente ng nasabing barangay ang unang araw ng programa, at dito ay nakinabang sila ng libreng konsultasyon, libreng gamot, libreng bunot ng ngipin, at pagpoproseso ng sanitary health certificate na isinasagawa ng City Health Office.

Tulad ng dati, idinayo rin ang mga serbisyong hatid ng City Veterinary Office, City Nutrition Office, at CENRO. Ang City Agriculture Office naman ay namahagi ng punlang puno, buto at punlang gulay at marami pang iba habang ang City Population Office namay ay nagpamudmod ng contraceptives. Dumating din ang mga kinatawan ng City Legal Office at Sangguniang Panlungsod.

Sa ikalawang araw ng programa, personal namang nakipag-usap si Mayor Kokoy sa mga residente ng barangay upang pakinggan ang kanilang mga hinaing at suhestiyon, at nakisalo rin sa boodle fight.

Kasama ring naghatid ng serbisyo ang Public Employment Service Office (PESO), City Civil Registrar’s Office, City Library, at Franchising and Regulatory Office sa ikalawang araw.

Pinangunahan naman ng City Social Welfare and Development Office ang pamamahagi ng bigas para sa “Food for Work” program.

Maging ang tanggapan ni Congw. Mikki Violago ay di rin nagpahuli sa paghahatid ng serbisyo sa bawat barangay, kung saan libreng lugaw o sopas at gupit para sa lahat ang handog ng kinatawan ng ikalawang distrito ng Nueva Ecija.

Pakaabangan naman ang K- Outreach Program na dadayo sa Brgy. Abar 2nd sa darating na Huwebes at Biyernes, Nobyembre 9-10.

(Rozz Agoyaoy-Rubio & Jennylyn N. Cornel)