News »


Mga kabataan, nagpasikat sa Voices Kids 2018

Published: April 26, 2018 04:59 PM



Kamangha-manghang talento sa pag-awit ang ipinamalas ng 10 kalahok sa Voices Kids 2018 (Pop Idol) na ginanap kagabi sa Pag-asa Sports Complex.

Opening pa lamang ng programa ay nagpasiklaban na ang mga kabataan, at isa pang bonggang production number ang kanilang inihanda na lalong nakapagbigay aliw sa mga manonood.
Isa-isa namang nagpakitang gilas ang mga kalahok at ibinirit ang kani-kanilang contest piece.

Makaraan ang masusing pagpili ng mga hurado ay hinirang sina Ainsleigh Yvonne B. Orencia, Adrianne Chloe C. Patawaran, Danica Joyce M. Garcia at Leah May G. Esquivel bilang "Tough 4".

Sa huli, ang tinig ng 14 taong gulang na si Leah May G. Esquivel mula sa Barangay Abar 1st ang nanaig at hinirang na Voices Kids 2018 Champion.

Itinanghal namang 2nd place si Danica Joyce M. Garcia ng Barangay Abar 1st, 3rd place si Adrianne Chloe C. Patawaran ng Barangay Sto. Tomas, at 4th place si Ainsleigh Yvonne B. Orencia ng Barangay Kaliwanagan.

Sa mensahe ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, proud siya sa mga kabataang San Josenians dahil ang kanilang mga talento ay talaga namang maipagmamalaki. Dagdag pa niya, patuloy ang Lokal na Pamahalaan sa pagsuporta at paggabay sa mga kabataan para sa kanilang pag-unlad.

Nag-uwi ng tropeo at cash prizes ang mga nagwagi at consolation prizes para sa lahat ng mga kalahok.

Iginawad sa kampeon ni Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang kasama si Konsehal Patrixie Salvador ang mga papremyo. Labis na kasiyahan naman at pasasalamat ang ipinakita ng mga nagwaging mang-aawit.