News »


Mga libreng serbisyo, inihatid ng K Outreach Program

Published: October 20, 2017 05:06 PM



Patuloy pa rin ang pag-arangkada ng K Outreach Program sa mga barangay sa lungsod upang maghatid ng mga libreng serbisyo ng Lokal na Pamahalaan.

Kahapon at ngayong araw (Oktubre 19-20), bumaba sa Brgy. Villa Joson ang mga serbisyong hatid ng naturang programa na dinagsa naman ng mga residente roon.

Matatandaan naman na noong nakaraang huwebes at biyernes, Oktubre 12-13, ang mga taga-Brgy. Caanawan naman ang dinayo ng nasabing serbisyo.

Gaya ng parating ginagawa ni Mayor Kokoy Salvador, nakisalamuha siya sa mga residente para personal na mapakinggan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan para sa agarang solusyon.

Ilan sa mga serbisyong naiabot ng Lokal na Pamahalaan ay libreng reading glasses, seedlings, bigas para sa food for work program, libreng konsultasyon at gamot, buhangin, contraceptives, iodized salt at marami pang iba.

Nagkaroon din ng Boodle Fight sa unang araw ng programa kung saan nakasalong kumain ng mga residente ang Punong Lungsod at ilang kawani ng Lokal na Pamahalaan.

Makikita rin ang suporta ng ilang konsehal ng lungsod na nakisaya at nagbigay rin ng mensahe sa naturang programa.

Maaasahan naman ang walang tigil na pagbisita ng K Outreach Program sa iba pang barangay sa lungsod upang matugunan ang ilang pangangailangan ng mga mamamayan ng Bagong San Jose.

(Rozzalyn A. Rubio)