News »


MKS Inter-TODA umarangkada na

Published: February 23, 2018 04:07 PM



Umarangkada na ngayong taon ang MKS Inter-TODA Basketball Tournament na sinalihan ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng lungsod.

Bilang panimula ng torneo, nagparada ang mga kalahok kasama ang muse ng bawat koponan mula City Social Circle patungong F.E. Marcos Pag-asa Gym nitong Lunes (Pebrero 19) at ginanap dito ang unang laro kung saan matagumpay na naidepensa ng Bettbien High School TODA ang kanilang koponan kontra Tayabo TODA.

Layunin ng programa na magbigay kasiyahan sa mga TODA at patatagin pa ang kanilang samahan.
Dumalo sa naturang aktibidad ang butihing Punong Lungsod Kokoy Salvador para magbigay ng mensahe at magpakita ng suporta sa asosasyon.

Ibinalita niyang sa susunod na taon, ang renewal ng prangkisa ay tuwing Enero hanggang Marso na lamang para makita kung ilan ang mga tricycle na namamasada sa lungsod para makontrol ang kanilang bilang.
Ayon sa Punong Lungsod, kung sobra-sobra ay hindi rin kikita ang mga pumapasada kaya dapat sakto lang para lahat ay kumita.

Dagdag pa ni Mayor Kokoy, ito’y para din sa kapakanan ng lahat at para sa ikaaayos at pagiging organisado ng samahan.

Pinangunahan ng City Franchising and Regulatory Office katuwang ang Sports Development Office at Tanggapan ng Punong Lungsod ang nasabing torneo.
Inaasahang magtatagal ang MKS Inter-TODA Basketball Tournament ng dalawa hanggang tatlong linggo.