News »


MOA Signing for the Enhancement of Dairy Processing Center

Published: August 12, 2022 01:00 PM



Upang mas mapaganda at mapataas pa ang kalidad ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw rito, nilagdaan ngayong araw (Agosto 12) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Philippine Carabao Center (PCC), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology, Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative (SIPBU MPC), at Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose.

Nakapaloob sa MOA ang pagsasaayos ng Dairy Processing Center ng SIPBU MPC sa ilalim ng Village Level Farm Focused Enterprise Development (VLFED) Project ng DAR.

Nagkakahalaga ng 2.4 milyong piso ang proyekto para sa gusali ng nasabing kooperatiba na kasalukuyan nang itinatayo sa Barangay Porais.

Kasama ni Punong Lungsod Kokoy Salvador sa paglagda sa MOA sina Joel Cabading, OIC-Carabao Based Enterprise Development ng PCC; Eden Ponio, Provincial Agrarian Reform Program Officer II ng DAR Nueva Ecija; Freddie Carlos, Chairperson ng SIPBU MPC; Mario Tumamao Jr, Science Research Specialist II ng DOST-Nueva Ecija; Josephine Aguinaldo, Provincial Agrarian Reform Program Officer I ng DAR Nueva Ecija; at Ma. Cristina Corpuz, City Cooperative Development Officer.

Sa pamamagitan ng naturang MOA ng mga nabanggit na ahensiya, mas mapapalago ang produksiyon ng SIPBU MPC at mapararami ang masusuplyan ng kanilang produkto na makadadagdag din sa kanilang kita.
Ang SIPBU MPC ay 28 taon nang naitatag at aktibo sa dairy business gaya ng milk trading at milk processing, gayundin sa farm inputs trading at BDS farm machineries (custom rental).