News »


National Indigenous People's Month Celebration

Published: October 21, 2016 03:08 PM



Alam ba ninyo na may mga kababayan tayong katutubo sa Lungsod ng San Jose?

Sila ay ang mga Ibaloy, Kankana-ey Bago, Kankana-ey Aplai, Bag-o, at Kalanguya na nakatira sa barangay Villa Floresta.

Kaya bilang pagkilala sa mga kapatid nating katutubo at sa kanilang kultura, kamakailan lang ay nagsagawa ang DepEd Division Office ng aktibidad para sa kanila bilang bahagi ng selebrasyon ng National Indigenous People's Month ngayong Oktubre, para linangin at mahalin ang mga kulturang ito upang mapangalagaan at maipagpatuloy pa ang mga kulturang katutubo sa lungsod.

Pangako naman ni Schools Division Superintendent Teresa D. Mababa na ang DepEd ay mananatiling kasama nila sa pagdudugtong ng kulturang katutubo sa larangan ng edukasyon sa mga susunod na henerasyon, sang-ayon sa tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Matatag na Ugnayang DepEd at Katutubong Pamayanan: Saligan ng Makabuluhang Katutubong Edukasyon”.

Dumalo rin sa naturang pagdiriwang si City Administrator Alexander Glen Bautista bilang kinatawan ng ating butihing Punong Lungsod Mario “Kokoy” Salvador para iparating ang kanyang mensahe na ang Lokal na Pamahalaan ay aalalay at susuporta sa ugnayang ito at nangakong tutulong para matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante sa nasabing lugar.

Makikita naman sa mga mukha ng mga bata ang tuwa habang ibinibigay ang mga tsenelas na handog sa kanila.

Nagbahagi rin ang mga estudyante at mga magulang ng mga katutubong awit at sayaw gaya ng “Dakami nga Igorot, “Takik”, at Balangbang, at isang ritwal ng pasasalamat para sa kanilang magandang ani at dahil nalagpasan nila ang mga pagsubok sa taong ito.

(Jennylyn N. Cornel)