News »


Oplan Linis, umaarangkada na

Published: February 11, 2019 03:50 PM



Nagsasagawa ngayon ng Oplan Linis ang Lokal na Pamahalaan sa iba’t ibang lugar sa siyudad partikular sa mga paaralan.

Sinimulan ang aktibidad na ito noong nakaraang linggo at kaugnay pa rin ito sa pagsulong ng kalinisan at kaayusan sa lungsod, at gayundin upang maudyok ang mga mag-aaral at ang mga mamamayan na magkaisa sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.

Ang ginagawang paglilinis ng mga tauhan ng naturang opisina ay konektado sa adbokasiya ni Mayor Kokoy Salvador para sa mas malinis at kaaya-ayang kapaligiran.

Sinimulang linisin ang mga paaralan partikular ang mga elementary schools upang protektahan ang mga mag-aaral. Malimit kasi na ang masukal na kapaligiran ay nagdudulot ng sakit sa mga bata. Kaya naman nilimas ang mga basura, namutol ng mga sanga, nagbunot ng mga damo, at nagtanggal ng mga sari-saring kalat ang mga bumubuo ng Oplan Linis.

Mistulang “general cleaning” ng kapaligiran ang naisagawa na sa Abar 1st Elementary School, Abar 2nd Elementary School, Calaocan Elementary School, Malasin Elementary School at San Jose City National High School. Nakaantabay pa rin ang mga susunod na paaralang lilinisin sa mga susunod na araw. Kabilang din ang mga pangunahing kalsada, kanal, at mga daluyan ng tubig ang nakalistang linisin ng Oplan Linis.