News »


Orientation on Livelihood Programs for Rural Improvement Club and 4H Club

Published: January 29, 2021 12:00 AM



Pinulong nitong Martes, January 26, ang mga kinatawan ng Rural Improvement Club (RIC) at 4-H Club sa lungsod na pawang mga benepisyaryo ng programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pangunguna nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Anthony Umali, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose.

Napiling benepisyaryo ng Micro Layering Program kung saan bibigyan ng paitluging manok bilang pangkabuhayan ang Pinag-isang Lakas ng Kababaihan (PILAK-RIC) mula sa Barangay Palestina at Sitio Usok Damayang Kababaihan Association ng Barangay Malasin na pawang miyembro ng RIC.

Samantala, dalawang grupo rin ng mga kabataan mula sa Barangay Kita-Kita at Barangay Sinipit Bubon na bahagi ng 4-H Club ang napili para sa programang gulayan sa bakuran o urban gardening na naglalayong makapagbigay ng ligtas at sapat na pagkain, gayundin ng kabuhayan sa mga miyembro nito.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Governor Anthony Umali ang kahalagahan ng agrikultura, kaya’t tinututukan din ito ng pansin ng gobernador sapagkat malaking tulong ito sa kabuhayan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya.

Hiling niya na magpatuloy ang tiwala ng samahan sa isa’t isa at manaig ang kanilang pagtutulungan at kooperasyon.

Ayon naman kay Rice Competiveness Enhancement Program Coordinator ng lalawigan na si Atty. Ferdinand Abesamis, dapat alagaan, pagyamanin at payabungin ang ibabahaging kabuhayan dahil makatutulong ito upang makapagbigay ng pagkain sa Pamilyang Pilipino.

Buo rin ang suporta ni Mayor Kokoy Salvador sa handog na programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Panlalawigan, at nagpaalala sa mga organisasyon na dapat walang lamangan, walang inggitan kundi pantay-pantay lamang.

Sa gabay ng City Agriculture Office, hangarin ng programang pangkabuhayan na ito na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga miyembro nito at maging katuwang ng gobyerno sa pagpapaunlad ng komunidad.