Oryentasyon para sa mga BHERT
Published: June 25, 2021 10:00 AM
Nagpatuloy ngayong araw (June 24) ang "re-orientation" ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ng ilang barangay sa lungsod upang mabigyan sila ng dagdag na kaalaman at mas maipaliwanag ang kanilang mga tungkulin bilang kaaagapay ng mga mamamayan sa kanilang komunidad lalo na sa gitna ng pandemya.
Pinangunahan ni COVID-19 Task Force Co-Chairperson Dr. Rizza Esguerra ang nasabing aktibidad na nagsimula nitong Miyerkules (June 23) sa Learning and Development Room ng City Hall kung saan tinalakay niya ang mahahalagang impormasyon ukol sa COVID-19, pagkakaiba ng isolation at quarantine, pati na ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act o RA 11332 upang mas mahigpit na ma-monitor at mai-report ang mga sakit gaya ng COVID-19, at iba pang concern sa kalusugan.
Binigyang diin ni Dr. Esguerra ang kahalagahan ng early detection, early isolation, at early management ng iba pang mga sakit bukod sa COVID-19.
Ipinaliwanag din niya ang referral pathways ng mga pinaghihinalaan at kumpirmadong kaso ng COVID-19 para masunod ang tamang proseso at hakbang sa pagsasangguni ng pasyente.
Dagdag pa rito, iprinisinta ni Dr. Esguerra ang datos tungkol sa kaso ng COVID-19 sa lungsod upang malaman ang estado ng bawat barangay, at nagkaroon ng diskusyon sa ipinatutupad na protokol ng Department of Health (DOH) sa paghawak ng kaso ng COVID-19 sa isang komunidad.
Inilahad din niya ang bilang ng mga nagawang Antigen Test at Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Test sa Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF), magmula nang siya ay maupo bilang Co-Chairperson ng COVID-19 Task Force.
Itinuro rin ang tamang pagsusuot at pagtatanggal ng Personal Protective Equipment o PPE sa pangunguna ni Noel Paulo Padiernos ng LDRRMO.
Sasailalim sa "re-orientation" ang lahat ng mga BHERT at magpapatuloy ang aktibidad hanggang June 30.