News »


Oryentasyon para sa Philippine Rural Development Project (PDRP)

Published: February 23, 2023 04:08 PM



Nagtipon-tipon ang iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan sa isinagawang oryentasyon para sa Philippine Rural Development Project (PDRP) sa City Agriculture Office kaninang umaga (Pebrero 23).

Kasama sa nasabing oryentasyon sina Mayor Kokoy at Vice Mayor Ali Salvador, gayundin ang mga kinatawan mula sa Housing and Homesite Regulation Office (HHRO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Planning and Development Office (CPDO), City Assessor’s Office, at City Engineering Office.

Pinag-usapan sa nasabing oryentasyon ang mga proyektong maaring mapakinabangan mula sa PDRP gaya ng pagpapatayo ng farm-to-market roads (FMR), food storage facilities, water irrigation systems, at iba pa.

Ayon kay Mayor Kokoy, isa itong magandang oportunidad lalo na para sa ating mga magsasaka kung kaya’t binilinan nito ang mga dumalo na makinig mabuti at alamin kung ano ang mga kakailanganing dokumento para sa mga ito.

Ibinahagi naman ni PRDP RPCO 3 Project Director Dr. Arthur Dayrit na maaaring gumawa ng Memorandum of Agreement (MOA) ang lungsod at magbuo ng isang grupo na siyang magsisilbing counterpart nila upang mas mabilis ang transaksiyon at pagproseso ng mga papel.

Siniguro naman ni Vice Mayor Ali na titiyakin niyang maaprobahan agad ang mabubuong MOA sapagkat naniniwala siyang makatutulong ito sa mga magsasaka ng lungsod.

Ang PRDP ay isang proyekto sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na naglalayong magtatag ng moderno, value chain-oriented, at climate-resilient na agri-fishery sector. Tumutulong itong pondohan ang mga proyektong binibigyang priyoridad ang mga karaniwang commodity na mayroon ang isang lugar para mas mapataas ang kita at mas maging produktibo ito.