News »


P300K livelihood assistance, ipinagkaloob ng DOLE

Published: September 07, 2017 05:19 PM



Ginawaran ngayong araw na ito (Setyembre 7) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Lokal na Pamahalaan ng tatlong daang libong piso na gagamitin para sa iba’t ibang proyektong pangkabuhayan.

Tinanggap ni Mayor Kokoy Salvador ang tseke mula kay Supervising Labor Employment Officer Arnello Galang Ocampo ng DOLE Provincial Office, at gagamitin ang pondong ito para sa mga livelihood project na cassava-making, duyan-making, at fabric conditioner-making.

Animnapung miyembro naman ng SaMaKaNaMaRe ang magiging benepisyaryo nito, at magsisilbing tagapamahala ng proyekto ang Public Employment Service Office (PESO).

Kasamang tumanggap ng tseke mula sa DOLE sina Supervising Labor Employment Officer Zenaida Barangan ng PESO San Jose, SaMaKaNaMaRe President Mila Chico, at Supervising Administrative Officer IV Gloria Pobre ng City Treasurer’s Office.

Ang naturang tulong pangkabuhayan ay mula sa DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) na naglalayong makapagbigay ng alternatibong pagkakakitaan upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na pahahalagahan at pagyayamanin ng mga benepisyaryo ang naipagkaloob na tulong pangkabuhayan upang sila ay makatulong din sa kanilang mga pamilya.

(G. M. Pobre)