News »


Paggunita ng Undas sa lungsod, naging ligtas at mapayapa

Published: November 02, 2022 04:49 PM



Naging maayos at “generally peaceful” ang paggunita ng Undas sa lungsod, ayon kay San Jose City Acting Chief of Police PLtCol Marlon M. Cudal.

Ayon kay Cudal, walang naitalang krimen o kaguluhan sa mga sementeryo rito, at wala ring mga nakumpiskang ipinagbabawal na gamit gaya ng mga matatalim na bagay o deadly weapons, alak, at gamit sa pagsusugal.

Aniya, dahil ito sa matagumpay na kampanya ng PNP na Ligtas Undas at Oplan Tambuli kung saan palagian ang pagpapaalala sa mga pumupunta sa sementeryo.

Hindi rin matatawaran ang pagtutulungan ng mga kasapi sa Oplan Kaluluwa, kasama ang lokal na pamahalaan, ilang ahensiya ng gobyerno, at iba't ibang civic organizations at support groups para dagdagan at palakasin ang puwersa ng Pulisya, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan.

Dagdag pa ng hepe ng PNP San Jose, bagama’t may pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na pagsapit ng alas sais ng gabi nang mas dumagsa ang mga tao sa sementeryo, naging maganda ang resulta ng ginawang re-routing plan at pangkalahatang pagpaplano para sa Undas sa taong ito.

Samantala, maaga ring nag-ikot sa sementeryo si Vice Mayor Ali Salvador upang kumustahin ang mga dumadalaw roon at tiyaking maayos ang operasyon ng Oplan Kaluluwa.