Pagkilala sa Lungsod sa Pagbabakuna Laban sa Measles-rubella at Polio
Published: July 01, 2021 10:12 AM
Muling ginawaran ng pagkilala ng Department of Health (DOH) ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose dahil sa matagumpay na pagbabakuna laban sa measles-rubella at polio na isinagawa sa lungsod noong buwan ng Pebrero.
Tinanggap ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, kasama sina City Health Officer Dr. Marissa Bunao-Henke at National Immunization Program Nurse Coordinator Marilyn Ong ng City Health Office (CHO) ang Plake ng Pagkilala mula sa DOH – Central Luzon Center for Health Development nitong Miyerkules, Hunyo 30.
Sa Phase 2 ng “Measles-Rubella-Oral Polio Vaccine (MR-OPV) Supplemental Immunization Activity” ng DOH, nanguna ang Lungsod San Jose sa buong Nueva Ecija matapos makapagtala ng accomplishment na 102.97% (12,543 batang nabakunahan) sa Measles-Rubella vaccination at 100.46% (12,459 batang nabakunahan) naman sa Polio.
Dumayo sa iba’t ibang barangay ang grupo ng mga bakunador sa pamumuno ni Nurse Coordinator Marilyn Ong, kung saan binigyan ng Measles-Rubella vaccine ang mga batang may edad siyam (9) na buwan hanggang bago mag-limang (5) taong gulang, habang Oral Polio Vaccine naman ang ibinigay para sa mga batang wala pang limang (5) taong gulang.
Maging si Punong Lungsod Kokoy Salvador ay dumayo sa ilang lugar at sumama sa pagbabakuna upang kumbinsihin ang ilang magulang na may alinlangang pabakunahan ang mga anak.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon ay tumanggap din ng pagkilala ang lungsod mula sa DOH dahil sa tagumpay ng Phase 1 ng programa na ginanap naman mula Hulyo hanggang Agosto 2020.