Pagpapatupad ng COVID-19 Safety Measures, Tinalakay sa Liga ng mga Barangay
Published: July 03, 2020 12:00 AM
Nagkaroon ng pagpupulong sa City Hall nitong umaga, July 3, ang Liga ng mga Barangay na binubuo ng 38 kapitan sa Lungsod San Jose upang talakayin ang mga pag-iingat na hakbang na dapat gawin upang hindi kumalat ang COVID-19 sa lungsod, lalo pa ngayong may isang kumpirmadong kaso sa kasalukuyan.
Pinaalalahanan ng Punong Lungsod Kokoy Salvador na dobleng pag-iingat ang dapat gawin lalo pa at nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine ang lungsod, bilang pagsunod sa kautusan ng National IATF, samantalang ngayon pa nagkaroon ng isang kumpirmadong active case sa loob ng siyudad.
Iginiit ni Mayor Kokoy na tungkulin ng mga kapitan na ipatupad ang istriktong pagsusuot ng face mask, physical distancing, gayundin ang hindi pagpapalabas sa mga edad 21 pababa at 60 pataas, sa kanilang nasasakupang barangay.
Iminungkahi naman ni DILG Officer Elria Hermogino ang paggawa ng ordinansa ng kanya-kanyang barangay upang mas mahigpit na maipatupad ang mga pag-iingat na hakbang. Sa ganitong paraan, maaari na silang mag-isyu ng Ordinance Violation Ticket (OVT) sa mga lalabag sa panuntunan tulad ng pagsusuot ng face mask kapag nasa labas, at iba pa.
Sinamantala rin ni Konsehal Roy Andres, sampu ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na dumalo sa pagtitipon, na paalalahanan ang mga kapitan na tungkuliln din nilang bantayan ang mga lupaing agrikultura na agad-agad natatambakan at nagagamit pang-residensyal o komersyal kahit wala pang aprubadong Land Conversion Certificate.