News »


Pagsusuot ng helmet, mahigpit nang ipinatutupad sa lungsod

Published: October 16, 2019 12:00 AM



Kailangan nang nakasuot ng helmet ang lahat ng nagmamaneho ng motorsiklo dito sa lungsod bilang pagsunod sa itinakda ng batas na Republic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act.

Sinimulan ang kampanya para sa mandatory na pagsuot ng helmet nitong Oktubre, at sinimulan naman nitong Lunes ang panghuhuli sa mga lumalabag sa naturang batas.

Sang-ayon sa batas, hindi lamang ang nagmamaneho kundi pati ang angkas ay dapat nakasuot ng helmet tuwing sasakay ng motor, scooter, ATV at mga katulad na sasakyan para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Dapat ding naka-helmet maigsi o mahaba man ang biyahe sa kahit anumang uri ng daan o kalsada at sa lahat ng oras.

Kaugnay nito, kulang tatlong daan na ang nahuling lumabag sa Helmet Law at natiketan ayon sa Public Order and Safety Office.

Pinaaalalahanan din ang publiko na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng walang driver’s license at di-rehistradong sasakyan, pati na ang pagmamaneho ng menor de edad at pamamasada ng tricycle na walang prangkisa.