Pagtalakay sa mga Hakbang Laban sa Muling Pagkalat ng COVID-19
Published: January 10, 2022 02:19 PM
Nagpulong sa City Hall nitong Lunes, Enero 10, ang COVID-19 Task Force ng Lungsod San Jose upang talakayin ang mga hakbang na dapat gawin laban sa muling pagkalat ng COVID-19.
Matatandaang noong buwan ng Disyembre ay ilang araw na nanatili na walang aktibong kaso sa lungsod ngunit kasabay ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, sa huling talaan na inilabas ni Punong Lungsod Kokoy Salvador kagabi, Enero 9, ay umakyat sa 58 ang aktibong kaso sa San Jose, kabilang na ang mga naitalang kaso ng reinfection o mga pasyenteng dati nang gumaling subali’t muling nagpositibo sa COVID-19.
Sa isang memorandum mula sa Regional Task Force on COVID-19, inatasan ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng kani-kaniyang kautusan para sa pagpapatupad ng safety protocols sa kanilang nasasakupan.
Inaasahan ang paglalabas ng bagong Executive Order mula sa Punong Lungsod ukol dito.