Pang-apat na POWAS sa Kita-Kita, Pinasinayaan
Published: January 21, 2022 04:25 AM
Umabot na sa limampu’t pito (57) ang bilang ng POWAS na kasalukuyang nagbibigay ng malinis na tubig sa iba’t ibang komunidad sa lungsod matapos pasinayaan nitong Huwebes, ika-20 ng Enero, ang pang-apat na POWAS sa Brgy Kita-Kita.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang aktibidad kasabay ng panunumpa ng Lupon ng Katiwala na siyang mamamahala sa KITA POWAS 4 na matatagpuan sa Campo Tres.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS, na layuning makapagbigay ng malinis na supply na tubig lalo na sa malalayong lugar.
Payo ng Punong Lungsod sa mga residente na pag-ingatan ang POWAS dahil mapakikinabangan nila ito ng mahabang panahon.
Dagdag pa niya, hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat kapag naitayo na ito, mga member-consumer na ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina nito.
Nakapagbigay na ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito, bukod pa sa naipong pondo na gagamitin para sa operasyon at pagmementina ng POWAS.
Siniguro naman ni J. E. Dizon ng Sanitation Division, City Health Office, ang pagiging malinis at ligtas-inumin ng tubig na galing sa POWAS.