Pangatlong POWAS sa San Agustin, pinasinayaan
Published: February 04, 2022 09:15 AM
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang pagpapasinaya ng pang-limamput’t siyam na POWAS sa lungsod nitong Huwebes, Pebrero 3, sa Brgy. San Agustin kasabay ng panunumpa ng Lupon ng Katiwala na tinawag na SAN POWAS III.
Ito na ang pangatlong POWAS sa Brgy. San Agustin.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.
Pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.
Hangad ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat mga member-consumer din ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubikong kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.
Ang nalilikom na pondo ay ginagamit sa operasyon at pagmementina ng water pump, tangke at linya ng tubig.
Nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito habang ang ibang asosasyon naman ay bumubuo na rin ng ibang livelihood projects para sa mga konsyumer.
Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.