News »


PNP San Jose, may bagong hepe

Published: September 14, 2017 05:12 PM



Pormal nang nagpakilala ang bagong itinalagang PNP Chief of Police ng lungsod na si Police Superintendent Marco A. Dadez nitong Lunes (September 11) sa San Jose City Police Station na dinaluhan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, Police Senior Superintendent Antonio Yarra at PRO3 Deputy Director for Administration P/Supt. Elmer Bantug.

Ipinanganak si Dadez sa Bagong Sikat, Cabanatuan City at nakapagtapos ng kursong B.S. Education sa Wesleyan University. Taong 1998 naman nang siya ay pumasok sa Philippine National Police Academy (PNPA) at nagtapos taong 2000.

Sa pahayag ni Dadez, paiigtingan pa aniya ang ugnayan ng PNP sa bawat barangay sa lungsod, para madama lalo na ng maliliit na tao ang pagmamalasakit sa kanila ng kapulisan, at para mabilis ding maaksyunan ang anumang krimen na nangyayari lalo na sa malalayong barangay.

Dagdag pa ng bagong hepe, ipagpapatuloy niya ang nasimulang pag-aksyon sa laban kontra droga ng naturang himpilan at tututukan din ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

Ipinaabot naman ng Punong Lungsod ang kanyang pagbati sa bagong upong hepe at binigyang diin ang patuloy na pagtutok sa war on drugs.

Masaya ring ibinalita ni Mayor Kokoy na ngayong buwan ay darating na ang karagdagang dalawang police patrol car para makatulong sa mas mabilis na pag-aksyon at pagbibigay serbisyo sa mga San Josenio.

Pinalitan ni Dadez si P/Supt. Reynaldo dela Cruz na ngayon ay nag-aaral ng Senior Officer Executive Course sa Cavite.
(Jennylyn N. Cornel)