News »


POC and CADAC 3rd Quarter Meeting

Published: September 28, 2022 05:30 PM



Ginanap kanina (September 28) ang Quarterly Joint Peace and Order Council (POC) at City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) Meeting sa Learning and Development ng City Hall upang talakayin ang estado ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod, kabilang ang mga isyu ukol sa ilegal na droga.

Iniulat sa naturang pulong ng San Jose City Police Station ang pagtaas ng bilang ng krimen ngayong third quarter, partikular ang pagnanakaw.

Batay sa datos na iprinisinta ni PltCol Marlon M. Cudal, hepe ng Pulisya, siyam ang naitalang insidente ng robbery, may pitong kaso naman ng theft, at isang carnapping.
Kaya naman mas paiigtingin pa ng PNP San Jose ang kanilang anti-criminality operations, pati na ang pagpapalakas ng puwersa ng KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan.

Iprinisinta rin ni Cudal ang mga aksiyon at mungkahi ng PNP ukol sa mga kaso ng ilegal na droga at rape, gayundin ang mga kabataang nasasangkot sa krimen o Children-in-Conflict with the Law.

Ibinahagi naman si FCInsp Josie G. Lising ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa kanyang report na may tatlong insidente ng sunog ang kanilang nirespondehan mula Hulyo hanggang Setyembre sa taong ito.

Kaya’t nagpaalala si Lising ukol sa pagtsek ng electrical wiring o connection sa ating mga tahanan na kadalasang sanhi ng sunog, pati ang mga naiiwanang nakasinding kandila o niluluto.

Tinalakay rin sa POC at CADAC Meeting ang isyu ukol sa mga palaboy sa kalsada, partikular ang mga taong wala sa tamang pag-iisip at mga batang kalye.
Ayon kay City Administrator Alexander Glen Bautista, kasalukuyang nagkakalap ng impormasyon ang kanilang opisina para matugunan ito.