News »


Portable gas stations sa lungsod, ininspeksiyon

Published: February 22, 2023 05:29 PM



Nag-ikot nitong Pebrero 20-21 ang joint inspection team ng lokal na pamahalaan kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) para suriin ang mga nagsulputang Technology-Solution Retail Outlets (TSRO), partikular ang mga portable gas station sa lungsod.

Pinangunahan ng Business Permit and License Office (BPLO) ang pag-inspeksiyon sa 14 na Portable Gas Station dito, kung saan natuklasang nag-ooperate ang mga nasabing establisyimento kahit kulang pa ito sa mga kaukulang dokumento.

Ayon kay Licensing Officer II Christopher Pabalan, pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng mga ito habang nire-review pa ang mga nakalap na impormasyon at findings mula sa inspeksiyon.

Nilinaw rin ni Pabalan na ginawa ang pagsusuri hindi para ipasara ang mga naturang gasolinahan, kundi upang makita kung saan madalas nagkakaroon ng problema ang mga ito upang mas matulungan at magabayan sila sa pagtalima sa itinakdang requirements.

Aniya, closely regulated at monitored ang ganitong mga klase ng mga produkto at serbisyo dahil sa kaakibat nitong panganib sa sunog, seguridad, kalusugan, at sa kalikasan.

Paliwanag ni Pabalan, alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 2022-011 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsasaad ng mga alintuntunin sa operasyon ng TSRO na may flammable at combustible liquids gaya ng fuel vending machines.