News »


POWAS Presidents Meeting

Published: January 26, 2021 12:00 AM



Pinulong ang mahigit 50 pangulo ng asosasyon ng Potable Water System (POWAS) sa iba’t ibang barangay nitong Lunes, ika-25 ng Enero sa Learning & Development Room ng City Hall para talakayin ang planong pagbuo ng kanilang kooperatiba.

Ito ay matapos pag-usapan nina Punong Lungsod Kokoy Salvador at City Cooperative Development Officer Cristina Corpuz ang mga pribilehiyo at benepisyo ng isang kooperatiba, alinsunod sa “people empowerment” na kasama sa layunin ng Punong Lungsod nang ilunsand ang proyektong patubig.

Tinalakay sa pulong nina Hannah Domingo at Mercholyn Lubiano ng City Cooperative Development Office ang mga karagdagang impormasyon at mga dapat ihandang dokumento para sa pagpapatala sa Cooperative Development Authority (CDA) upang maging isang ganap na kooperatiba ang asosasyon. 

Ipinaliwag din ni Mayor Kokoy na mas makabubuti kung magiging kooperatiba ang mga asosasyon ng POWAS dahil maraming benepisyo ang kanilang matatanggap at pakikinabangan, tulad ng mga subsidiya o tulong mula sa gobyerno at iba pang organisasyon, tax exemption sa kita ng kooperatiba, at iba. 

Sang-ayon naman ang kabuuan ng panguluhan ng POWAS tungkol sa mungkahing ito. 

Samantala, tinalakay rin sa nasabing pulong ang kahalagahan ng buwanang pagpapasuri ng tubig mula sa POWAS upang masigurong nananatiling ligtas itong inumin ng mga konsyumer.

Ayon kina Sanitation Inspector Chief John Erick Dizon at POWAS Project Coordinator Oliver Garcia, mahalagang mayroong pinanghahawakang papel na pumasa sa mga laboratory test ang bawat POWAS upang may maipakita silang katunayan kung sakaling may magreklamo.

Nagkaroon din ng malayang talakayan upang mas maunawaan pa ang mga inilatag na paksa sa nasabing pulong at bigyang linaw ang ilang katanungan ng mga dumalo.