POWAS sa Brgy Culaylay, tatlo na
Published: February 25, 2022 01:18 PM
Isa na namang liblib na komunidad ang nagkaroon ng suplay ng malinis na tubig matapos pasinayaan nitong Huwebes (Pebrero 24) ang ikatlong POWAS sa Brgy. Culaylay.
Ito na ang pang-animnapu’t dalawang (62) POWAS sa lungsod mula nang simulan ang proyekto noong taong 2017 bilang isa sa mga prayoridad na programa ng administrasyon ni Punong Lungsod Kokoy Salvador.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.
Matapos pangunahan ang panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa POWAS, pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.
Dagdag pa niya, hindi lamang pagbibigay ng tubig ang layunin ng POWAS kundi hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat mga member-consumer ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.
Aniya, sa ganitong paraan, natuturuan ang komunidad na magpatakbo ng isang organisasyon at makapag-isip ng iba pang proyektong pangkabuhayan para sa mga miyembro nito.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubiko (katumbas ng isang libong litro) ng tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.
Ang lupon ng katiwala ang humahawak ng nalilikom na pondo na siyang ginagamit sa operasyon at pagmementina ng water pump, tangke at linya ng tubig.
Nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito habang ang ibang asosasyon naman ay bumubuo na rin ng ibang livelihood projects para sa mga konsyumer.
Sumasailalim din sa audit ang pondo ng bawat asosasyon ng POWAS.
Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.