POWAS sa Brgy Kita-Kita, tatlo na
Published: March 04, 2022 09:58 AM
Isa ang barangay Kita-Kita sa unang nabiyayaan ng proyektong Potable Water System (POWAS) nang simulan ito ng lokal na pamahalaan bilang isa sa prayoridad na programa noong taong 2017.
Nitong Huwebes (Marso 3), pormal na pinasaniyaan ang pangatlong POWAS sa nasabing barangay sa pangunguna ni Punong Lungsod Kokoy Salvador kasabay ng panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng sistema ng tubig.
Ito na ang pang-animnapu’t talong (63) POWAS sa lungsod.
Mayroon pang tatlong POWAS na nalalapit nang pasinayaan sa nasabing barangay habang may isa pang bagong itinatayo ngayong taon.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.
Pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.
Dagdag pa niya, hindi lamang pagbibigay ng tubig ang layunin ng POWAS kundi hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat mga member-consumer ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.
Sa ganitong paraan, natuturuan ang komunidad na magpatakbo ng isang organisasyon at makapag-isip ng iba pang proyektong pangkabuhayan para sa mga miyembro nito.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubiko (katumbas ng isang libong litro) ng tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.
Ang lupon ng katiwala ang humahawak ng nalilikom na pondo na siyang ginagamit sa operasyon at pagmementina ng water pump, tangke at linya ng tubig.
Nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito habang ang ibang asosasyon naman ay bumubuo na rin ng ibang livelihood projects para sa mga konsyumer.
Sumasailalim din sa audit ang pondo ng bawat asosasyon ng POWAS.
Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.