POWAS sa Brgy Palestina, dalawa na
Published: February 17, 2022 01:24 PM
Pinasinayaan nitong hapon, Pebrero 17, ang ikalawang POWAS sa Brgy. Palestina sa pangunguna ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, kasabay ng panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa operasyon ng POWAS.
Ito na ang pang-animnapu’t isang (61) POWAS sa lungsod mula nang simulan ang proyekto noong taong 2017 bilang isa sa mga "community development & people empowerment projects" ng administrasyon ni Mayor Kokoy.
Samantala, pinasinayaan din sa Villa Joson nitong nagdaang linggo, Pebrero 10, ang POWAS Phase II sa Brgy. Villa Joson.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.
Pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.
Hangad ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat mga member-consumer din ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubikong (katumbas ng isang libong litro) tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.
Ang nalilikom na pondo ay ginagamit sa operasyon at pagmementina ng water pump, tangke at linya ng tubig.
Nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito habang ang ibang asosasyon naman ay bumubuo na rin ng ibang livelihood projects para sa mga konsyumer.
Sumasailalim din sa audit ang pondo ng bawat asosasyon ng POWAS.
Nito lamang umaga, tinulungan ni Ms Jingle Barlaan, POWAS Project Coordinator, ang TONDOD POWAS na mailagay sa bangko ang hawak na pondo ng asosasyon upang mas maingatan ito.
Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.