News »


POWAS sa Brgy Tayabo, tatlo na

Published: March 11, 2022 11:13 AM



Barangay Tayabo ang kauna-unahang nabiyaaan ng proyektong Potable Water System (POWAS) nang simulan ito ng lokal na pamahalaan noong taong 2017 bilang isa sa mga prayoridad na programa ni Punong Lungsod Kokoy Salvador. 

Nitong Huwebes (Marso 10), pormal na pinasaniyaan ang pangatlong POWAS sa nasabing barangay sa pangunguna ni Konsehal Ali Salvador kasabay ng panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng sistema ng tubig.

Ito na ang pang-animnapu’t apat (64) na napasinayaang POWAS sa lungsod. 

Samantala, limang POWAS pa ang nakahandang pasinayaan sa nasabing barangay ngayong taon.

Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.

Layunin ng POWAS hindi lamang ang makapagbigay ng malinis na tubig sa mga komunidad kundi makapagtaguyod din ng “people empowerment” sapagkat mga member-consumer ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.

Sa ganitong paraan, natuturuan ang komunidad na magpatakbo ng isang organisasyon at makapag-isip ng iba pang proyektong pangkabuhayan para sa mga miyembro nito.
Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubiko (katumbas ng isang libong litro) ng tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.

Ang lupon ng katiwala ang humahawak ng nalilikom na pondo na siyang ginagamit sa operasyon at pagmementina ng water pump, tangke at linya ng tubig. 
Nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito habang ang ibang asosasyon naman ay bumubuo na rin ng ibang livelihood projects para sa mga konsyumer. 

Sumasailalim din sa audit ang pondo ng bawat asosasyon ng POWAS.

Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.