News »


POWAS sa Porais, Tatlo na

Published: January 28, 2022 03:06 PM



Pinasinayaan nitong Huwebes, Enero 27, sa pangunguna ni Mayor Kokoy Salvador ang ikatlong POWAS sa Brgy. Porais kasabay ng panunumpa ng Lupon ng Katiwala na siyang mamamahala sa operasyon at pagmementina nito. 

Ito na ang pang-limampu’t walong (58) POWAS na nagbibigay ng malinis na tubig sa mga residente ng liblib na komunidad o mga lugar kung saan mahirap ang suplay ng tubig.

Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.

Pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.

Dagdag pa niya, hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat kapag naitayo na ito, mga member-consumer na ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina nito.

Nakapagbigay na ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito, bukod pa sa naipong pondo na gagamitin para sa operasyon at pagmementina ng POWAS.

Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.