POWAS, umagos na sa Brgy. Kita-Kita
Published: October 17, 2019 12:00 AM
Patuloy na tinutupad ni Mayor Kokoy Salvador ang pangakong mabigyan ang mga mamamayan ng malinis na tubig. Nitong umaga (Oktubre 17), pormal na pinasinayaan ang Potable Water System (POWAS) sa Brgy. Kita-Kita.
Ang POWAS ay isa sa mga prayoridad na proyekto ng Lokal na Pamahalaan na naglalayong mabigyan ng pagkukuhanan ng malinis at sapat na suplay ng tubig ang mga mamamayan sa mga liblib na lugar na hirap sa tubig.
Ang tubig ng POWAS ay dumaan sa masusing pagsusuri ng City Health Office – Sanitation Division at sinigurong ito ay ligtas na inumin.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang pagpapasinaya sa POWAS, kasama si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang at iba pang opisyal ng lungsod at barangay.
Isinabay rin ang panunumpa ng mga opisyales ng asosasyon na mamamahala sa POWAS ng nabanggit na barangay.
Sa kasalukuyan, 31 POWAS na ang naipagawa mula nang manungkulan si Mayor Kokoy. Umaabot na rin sa mahigit-kumulang 6,000 katao ang araw-araw na nakikinabang sa malinis na tubig na hatid nito.