News »


Premyadong manunulat Wilfredo Pascual, pinarangalan ng Lungsod

Published: February 13, 2017 04:50 PM



Pinarangalan ng Lokal na Pamahalaan ang ipinagmamalaking manunulat ng lungsod na si Wilfredo Pascual, tubong San Jose na ngayon ay naninirahan na sa Estados Unidos, nitong umaga sa tanggapan ng Punong Lungsod.

Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador kasama sina Vice Mayor Glenda Macadangdang at City Councilor Victoria Adawag ang pagbibigay ng parangal sa pamamagitan ng ipinasang RESOLUTION NO.17-009 ng Sangguinang Panlungsod kung saan nakasaad dito ang pagkilala sa di matatawarang dedikasyon ni Pascual sa larangan ng pagsusulat at sa pagdadala niya ng mga karangalan hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa buong San Jose.

Si Wilfredo o mas kilala sa tawag na Willie ay ilang beses nang naparangalan sa larangan ng pagsusulat hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa Estados Unidos din.

Ngayong buwan ng Pebrero, siya ay gagawaran ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ng Ani ng Dangal for Literary Arts Award na kanyang tatanggapin sa Malacanang Palace. Ang parangal na ito ay katulad ng iginawad ng NCCA sa mga tanyag na personalidad tulad nina Nora Aunor at Brillante Mendoza para sa kanilang larangan.

Unang nakilala si Willie sa pagsusulat nang siya ay magwagi ng gintong medalya sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature o Gawad Palanca para sa kaniyang essay na “Devotion”. Ang Gawad Palanca ay isang parangal na ipinagkakaloob sa mga natatanging manunulat na nagpamalas ng husay alinsunod sa iba't ibang kategorya ng panitikan. Dalawang beses nang nanalo si Willie sa prestihiyosong patimpalak na ito.

Bukod dito nakatanggap din siya ng citation award sa kanyang nailimbag na aklat na pinamagatang Kilometer Zero.

Narito pa ang kanyang mga natanggap na parangal:
2008 Philippine Free Press Literary Awards (Philippines)
2015 Curt Johnson Prize Award for Nonfiction (USA)
2016 Notable Essay Citation Best American Essays Series (USA)
2016 Plaridel Award of the Philippine American Press Club (Philippines)
-Ella Aiza D. Reyes