News »


PRIDE March sa San Jose City

Published: June 26, 2023 06:57 PM



Matagumpay na ginanap ang kauna-unahang Pride March sa Lungsod San Jose nitong Biyernes, June 23 bilang pagkilala at pagtanggap sa sektor ng LGBTQIA+ community sa lungsod.

Dala ang mga rainbow flag, naglakad ang mga sumali sa martsa mula City Social Circle at binagtas ang mga kalye ng Cardenas, Eugenio, Rizal, at Maharlika Highway patungong Pag-asa Sports Complex.

Nagpagandahan ng disenyo ang apat na float na lumahok sa Pride Parade.

Itinanghal na Best Float ang “The Blooming Flowers” na gawa ni Ryan Espanola ng Pustura Kastila, habang second placer ang “Fiesta de Arco Iris” o Festival of Rainbows na gawa ng grupo ni MJ Somar, at third placer naman ang “Love Wins” nina MenJhen Ramos.

Sa ginanap na Drag Showdown matapos ang Pride march, itinanghal na Drag Queen 2023 si Miguel Sarmiento a.k.a. Bluemynx, 1st Runner-up si Gerson Pandan a.k.a. Gersana Pilipina, at 2nd Runner-up si Jen Allen Lucero a.k.a. SS Tequila.

Samantala, binigyan naman ng award na Best in Costume si Carlo Juego Soriano.

Bukod sa mga patimpalak, nagkaroon ding libreng HIV testing at counselling sa Badminton Court ng Pag-asa Sports Complex.

Ayon kay Mayor Kokoy Salvador, suportado ng kanyang administrasyon ang programa bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng LGBT+ community sa lungsod.

Ito ay batay din sa kanyang “KSali All” slogan na naglalayong bigyang pansin at pagpapahalaga ang lahat ng sektor ng lipunan.

Ayon naman kay Vice Mayor Ali, mahalagang tanggapin na ang mga tao ay mayroong pagkakaiba-iba subalit hindi ito dapat maging dahilan ng pagkaka-watak-watak, at kahit anong gender ay pwedeng magsama-sama nang matiwasay.

Pinaalalahanan din niya ang LGBT+ community na patuloy maging productive sa pamayanan at alamin ang mga tamang pagsulong ng karapatan.